Alec Daniel E. Cruz                                                                            Ika-14 ng Agosto, 2017
11- Fire Tree                                                                                      Ginoong Edmark Tonelete

State of the Nation Address: Reaksyong Papel

Noong ika-24 ng Hulyo 2017 ay ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa loob ng mahigit dalawang oras. Ang bawat Pilipino ay tiyak na may kani-kaniyang pananaw at reaksyon ukol sa nangyaring talumpati. Sa simula pa lamang ng pagbabasa ay naitanong ko na sa aking sarili, “Paano natin makakamit ang inaasam na progreso kung hindi tayo nagkakaisa?”

Sa simula ng talumpati ng Pangulo ay ipinarating niya na upang malutas ang maraming problema ng Pilipinas ay dapat magkaroon ng pagbabagong pang-matagalan; iyon daw ay mangyayari kung magsisimula ang pagbabago mula sa pinakamatataas na posisyon. Nararapat daw na ang ugali, pagkatao, at pagkilos ay ang magbago sa mga Pilipino. Para sa akin, ito ay totoo. Ngunit, ano nga bang paraan ang ginagawa ng pangulo upang mabago ang mga tao? Nakasisiguro ba siyang ang pagbabago na nangyayari ay tungo sa kabutihan? Ito ang naiwang mga tanong sa akin dahil sa aking obserbasyon, patuloy lang ang pagiging bastos ng ilang Pilipino sa iba’t ibang aspeto. Sa aking palagay, hindi lang dapat mailagay sa ating mga isipan na hindi tayo gumawa ng krimen at mga paglabag sa batas, bagkus ay dapat matuto tayong magkaroon ng respeto at pagmamahal sa bawat isa na talagang makakatulong sa inaasam nating mga pangarap para sa bansa. Ako ay sumasangayon sa sinabi ni Duterte na, “Problems can be solved easily, if people work together towards a common goal.” Ngunit paano nga ba tayo makakapagtulung-tulungan kung hindi tayo nagkakaisa? Sa aking pananaw, bukod sa pagpuksa ng mga krimen at pagpatay sa mga adik ay dapat pagtuunan din ng pangulo ang kaugalian ng Pilipino na magkaroon ng respeto at pagmamahal sa bawat isa dahil sa aking obserbasyon, sarili nating mga kababayan ang siya pa nating laging kinakalaban.

Sa talumpati ni Duterte ay nagbanggit siya ng sari-saring problema sa ating bansa. Ang isang problemang kaniyang nabanggit ay ang Labanan sa Marawi kasama na ang Martial Law. Para sa kaniya, ang Martial Law daw ang pinakamabilis na paraan upang matigil ang mga rebelde. Oo, ito ay may kaakibat na mga benepisyo ngunit ito ay maaaring dahilan ng pagkamatay ng mga inosenteng mamamayan. Para sa akin, ang Martial Law ay nararapat lang dahil maaaring ito ay dahilan upang hindi matakot at magsipasukan sa ating bansa ang mga foreign investors. Kung totoo man ito o hindi, ang hiling ko lang ay maging makatotohanan ang pagpapaalis ng mga rebelde sa mabilis na panahon.

Sumunod na binanggit ng Pangulo ang problema ng mga Pilipino pagdating sa pagmimina at produkto. Ang kaniyang gusto ay bawasan ang pagkuha ng ating mga likas na yaman dahil maaaring dumating ang panahong wala nang makuhang kayamanan ang mga sumunod na henerasyon. Sinasabi din niya na gaganti rin ang kalikasan kung hindi iyon pangangalagaan ng mga Pilipino lalo na ang mga nagmimina. Si Duterte ay nanakot na tataasan niya ang buwis kung hindi susunod ang mga nagmimina sa gusto niyang mangyari. Ito ay isa sa mga bagay na aking ikinatutuwa sa ating Pangulo; siya ay may pagpapahalaga sa ating kalikasan. Binanggit din ni Duterte na dapat ay dito sa ating bansa iproseso ang ating mga raw products dahil ang nangyayari, ang mga produkto mula sa ibang bansa na nanggaling din sa ating materyales ay binebenta nang mas mahal dito sa ating bansa. Ngayon ko lang nalaman na ganito pala ang nangyayari sa atin ngayon. Ito pala ang maaaring dahilan kung bakit nahuhuli ang ating bansa. Ako ay nalulungkot dahil ang laki na ng nawala sa atin dahil dito. Sana nga ay magawan ito ng paraan ng pangulo dahil kung hindi, patuloy na maiiwan ang Pilipinas lalo na sa larangan ng komersyo.

Sa pagtutulampati ng Pangulo ay patuloy lang siyang nagbanggit ng mga problema at pangarap niya sa ating bansa. Binanggit niya ang pagpapaigting ng Disaster Resiliency dahil nalalapit na nga raw ang “The Big One” na lindol. Natutuwa ako dito dahil pinahahalagahan niya ang kaligtasan ng bawat isa, ngunit sana ay magawan ng gobyerno ng solusyon ang binabalitang maaaring pagkasira sa lindol ng Angat Dam na tiyak na kikitil ng maraming buhay at maninira ng napakadaming kabahayan.

Binanggit din niya ang pagpapatuloy ng pagsasabatas ng Death Penalty at habang nagsasalita siya tungkol dito ay may mga pinapatamaan siya. Nagagalit siya sa mga ayaw ito ipatupad. Sa aking opinyon, upang makuha niya ang pagsang-ayon ng iba ay dapat pakisamahan niya ang mga tao, ngunit siya pa ang gumagawa ng mga aksyon na ikagagalit ng mga tao. Binanggit din niya ang kalagayan ng ating relasyon sa ibang mga bansa tulad ng China. Sinabi ni Duterte na dapat daw may mga pagkakamukha at respeto sa isa’t isa ang mga dapat paigtingin na relasyon, at sumasang-ayon ako dito. Ngunit aking natanong sa aking sarili, “Kailan pa magkakaroon ng pandaigdigang kapayapaan kung namimili pa tayo ng mga gusto lang nating kalapit na bansa?” Kaniya ding nabanggit ang ukol sa OFW’s na tataasan ang budget ng assistance sa kanila mula 400 milyong-piso patungo sa 1 bilyong piso. Isa pang binanggit ng Pangulo ay ang mga hotline na 911 at 8888 na maaari daw na tawagan kung sakaling nangangailangan tayo ng tulong at upang maibanggit ang reklamo sa mga opisyal ng gobyerno. Isa pa niyang nabanggit ay ang RH law kung saan sinasabi niya na dapat ay may kalayaan ang mga pamilya na maganak kung ilan ang kanilang gusto batay sa kanilang kakayahan. Ang problema daw sa RH law ay ang TRO na naging dahilan kung bakit maaaksaya ang mga malapit na mag-expire na mga gamot na binili ng gobyerno. Binanggit din ng Pangulo ang matagumpay na pagsasakatuparan ng K to 12 Basic Foundation Program at ng No Balance Billing Policy. Naging prayoridad naman niya ang pagtaas ng paggastos pagdating sa imprastaktura ng ating bansa. Ikinatutuwa ko ito dahil naniniwala akong ang patuloy na pagdami ng imprastaktura ay sumasalamin sa kaunlaran ng isang bansa. Isa pa niyang binanggit ay ang pagpapabuti at pagpapadali ng transportasyon sa ating bansa. Binanggit din niya ang Comprehensive Tax Reform Program, National Broadband Plan of 2017, National Government Portal, Digital Terrestrial Television Broadcasting Migration Plan, Salaam Digital TV, at iba pa. At patapos sinabi ng Pangulo, “Much remains to be done.”

Sa aking opinyon, madami pang dapat ayusin sa naging talumpati ng ating Pangulo. Para sa akin, dapat ay binanggit niya muna ang kaniyang mga pinangako noong una niyang SONA at saka niya ipinahayag ang mga natupad na niya at hindi pa. Dapat din ay nagbigay siya ng maraming datos ukol sa mga progreso ng mga proyekto. Sa kaniyang pagsasalita ay maraming pagpapatawa at pagmumura. Para sa akin, ang pagpapatawa ay nakabubuhay, samantalang ang pagmumura ay di nakabubuti. Bilang pangulo ay dapat siyang maging modelo sa kaniyang mga mamamayan. Sinasabi nga niya na dapat magkaroon tayo ng magandang ugali, ngunit siya mismo ay di ito laging naipapakita. Dahil siya ang pinuno, siya ang nagrerepresenta sa ating mga Pilipino kaya dapat magpakita siya ng positibong pagkatao. Sa aking opinyon, dapat din na binanggit niya ang mga paraan kung paano maisasagawa ang mga proyekto upang makasigurong di lang siya puro salita kung hindi ay may aksyon din siya.

Habang binabasa ko ang talumpati, ako ay hindi naiinip dahil may pakielam ako sa mga pangyayari sa bansa. Masasabi kong ako ay kaniyang nahikayat sa ilang mga aspeto tulad ng pag-aalaga ng kalikasan at pagpapaigting ng kapayapaan, ngunit pagdating sa kagustuhan niyang mabago ang ugali ay hindi ako masyadong nahikayat. Ito na nga ay dahil hindi ako natutuwa sa ilang mga pinapakitang ugali ni Duterte, ngunit, wala akong magagawa kung hindi sumang-ayon na lang sa kaniya dahil iyon ay ang makakapagpayabong ng ating pagkakaisa. Para sa akin, ang patuloy na pagtuligsa ng Pilipino sa isa’t isa ang makakapagpabagal ng kaunlaran. Kaya ako, tinatanggap ko na lang ang ating Pangulo kahit na mayroon siyang hindi magandang mga aksyon. Kung mayroon man tayong hindi nagugustuhan sa ating kababayan, dapat ay sabihin natin nang maayos at may respeto; sa panahon ngayon, kapag di maayos ang ating pakikitungo ay lalong hindi tayo pakikinggan. Naniniwala akong sa natitirang limang taon ng ating Pangulo ay matutupad ang pangarap nating mga Pilipino na magkaroon ng positibong pagbabago. Respeto, pagmamahal, at pagkakaisa ang tangi nating kailangan!