Ako si Alec Cruz at isa akong Pilipino. Maaaring ang isang tao ay Pilipino ang nasyonalidad ngunit siya ay hindi nagsasalita ng kanyang pambansang wika. Maaaring ang isang Pilipino ay may alam sa kanyang wika ngunit mas malawak ang kaalaman niya sa wika ng ibang bansa. Maaari din namang magkakaiba ang salita ng mga Pilipino kahit sila ay pare-parehong gumagamit ng Wikang Filipino. Ito ay dahil ang isang wikang pambansa ay maaaring maging malawak; ang bawat probinsya o rehiyon ay maaaring may sari-sariling dayalekto. Ang wikang pambansa ay isang elemento ng pagkakakilanlan ng isang bansa ngunit ito ay may malapit na relasyon sa wikang opisyal. Ang wikang opisyal ay maaaring espesyal na wika o wika din ng ibang bansa na pinahihintulutan ng kontitusyon ng bansa. Batay sa ating saligang batas, ang ating wikang opisyal ay ang Wikang Filipino at Ingles. Ang isang bansa ay maaari ding magkaroon ng higit pa sa dalawang opisyal na wika hindi tulad ng sa atin—na dalawa lang ang opisyal na wika.
Ang wika, tulad ng iba pang kultura tulad ng tradisyon at produkto, ay nagbabago din sa paglipas ng panahon. Maaaring ang wika ay mas lalong lumawak o maaaring maimpluwensiyahan pa ng ibang wika. Naniniwala ako na ang ating wika ay unti-unting lumalawak ngunit nahahaluan ng hindi purong lengwahe. Ang ating Wikang Filipino ay may kasaysayan. Itinatag ni dating Pangulong Manuel Quezon ang Surian noong 1936 upang pag-aralan at piliin ang ating wikang pambansa. Napili ni Jaime de Veyra ang Tagalog bilang batayan ng “Wikang Pambansa” (GMA News, 2009). Hinirang si Pangulong Quezon bilang “Ama ng Wikang Pambansa” dahil siya ay nagsikap na magkaroon tayo ng sariling wika. Marami pang pagbabago ng batas ang nangyari at maraming ginawa ang iba’t ibang mga pinuno upang mapagyaman ang ating wika. Malaki ang papel na ginagampanan ng mga katutubo dahil sila ang nagpapalawak ng ating wika—madaming gawang literatura ang nagkalat. Ang ibig sabihin nito ay malaki ang naidudulot ng ating pagiging “Archipelago” dahil napalawak nito ang Wikang Filipino.
Naniniwala ako na ang ating wika ay mananatili dahil iyon ay ating pinapasa sa ating mga anak. Ginagawan din ng mga sangay ng edukasyon ng paraan ang pagpapayaman ng wika sa pamamamagitan ng pagtuturo nito sa mga kabataan. Naniniwala ako na dapat lamang na matuto ang bawat Pilipino na tangkilikin ang sariling wika kahit na sumasabay ang pagyaman ng iba nating opisyal na wika na Ingles. Sa pagdaan ng mga araw, buwan, at taon, ang wika ay patuloy na magpapayaman sa ating bansa!
1 Pingback